News

BREAKING: Australia Inalis Ang Visa Requirement Para Sa Mga Pilipino

Kanina lamang ay naglabas ng memo ang Australian Immigration na nag-aalis na ng visa requirement sa mga Philippine passport holders na makapasok sa nasabing bansa. Sa ibang salita, hindi na kailangan ng visa para makapasok ang sinumang Pilipino sa Australia.

Not so fast. Isa lamang ito sa mga madalas gawing pekeng balita sa social media at sa Internet. Ang isang maunlad na bansa na nag-aalis ng visa requirement sa mga Pilipino. Dream nating makapunta sa mga bansang iyon di ba? Ngunit bago ka mag-book ng promo fare papuntang Australia o kung saang bansa iyon, iberipika mo muna yung impormasyon na iyan sa opisyal na Immigration website ng bansang iyon.

Sa panahon ngayon, uso ang mga peke at mga mapaglinlang na mga balita at kasaysayan. Kahit sinong tao, miski mga elementary school pupils, maaari nang gumawa ng sariling website. Nakakatulong ang mga CMS (content management system) tulad ng WordPress at Drupal para makagawa ng magandang website ang sinuman kahit hindi naman siya web developer o programmer. At dahil sa Facebook, Twitter at YouTube, at mga iba’t ibang mga software sa computer, madali nang gumawa ng content at i-upload ito.

Taliwas sa pangitain ni Tim Berners-Lee, ang Internet ngayon ay punong-puno ng basura at mga walang kuwentang mga bagay. Mga basurang kanta, basurang meme, basurang mga kalokohan, at maging mga content tulad ng pornograpiya na noong araw ay gwardyado pa ng ating mga magulang. Ang World Wide Web ay inimbento ni Berners-Lee upang madaling makapag-share ng mga scholarly o mga educational articles, ngunit mas matimbang pa yata ngayon ang mga kalokohan sa Internet.

Ang masama pa nito, maraming mga pekeng balita at pekeng kasaysayan ang lumalaganap sa Internet ngayon, at marami ang mga naniniwala dito. Lalu na sa Facebook. Ito ngang tulad ng mapaglinlang na headline sa artikulong ito, maraming maniniwala lalu na sa mga gustong mag-abroad (o nasa abroad na). Lalu na kung ang paskil ay patungkol sa pulitika o kasaysayan. Problema na rin ito sa Estados Unidos, at kitang-kita naman sa katatapos lamang na halalan doon. Sinasabi na nanalo si Donald Trump (at inamin ni Trump mismo) dahil diumano sa social media. At dahil din sa mga pekeng balita at kasaysayan sa social media ay muntikan ding manalo si Bongbong Marcos sa pagka-bise presidente noon lamang Mayo.

Ang masama pa nito, maraming mga tao ang tamad halungkatin ang mga detalye. O dili man kaya ay, naka-free data lang sila. Libreng Facebook. Hindi yata nila alam na mayroong libreng Wikipedia kahit walang load. At pinalala pa ng mga source na sinasamantala ang overdependence ng mga Pilipino sa libreng Facebook upang mapaglinlang.

Ang resulta, hindi lang tayo mayroong lipunang mangmang, kundi isang lipunang napakain ng maling impormasyon. At mahirap silang gisingin mula sa maling impormasyon. Kalimitan nga minumura nila ang mga mapapagkatiwalaang mga media at sinasabihan nitong “biased” kapag mayroong impormasyon na lumitaw na laban sa kanilang adhikain o iniidolong tao. Hindi lang mga mis-informed na mga tao, kundi mga bulag na tagasunod na din.

Paano lalabanan ito? Madali lang naman. Kailangan lang ng kaunting trabaho, pero hindi ka naman siguro papawisan most of the time. Narito ang limang madaling hakbang para dito. Tinagalog (o sina-Filipino) ko ito mula sa isang paskil sa Huffington Post, upang maunawaan ng mas nakararaming mga Pilipino.

  1. Basahin muna bago i-share. Minsan guilty tayo dito. Miski ako. Yung nagko-comment o nagse-share base sa headline, yung hindi muna binabasa ang artikulo. Ito ang isa sa pinakamalalang pagkakamali ng kahit sinumang netizen. Kung hindi ka napakatamad para basahin ito, marahil naka-free Facebook ka lang. Pero hindi ito katanggap-tanggap na dahilan upang magpaniwala ka sa mga mapaglinlang na headline. Either huwag mo siyang pansinin, or gumawa ng paraan para iberipika ito sa mga mapagkakatiwalaang mga source sa Internet o saan man.
  2. I-tsek ang source (at mga source nito). Sa panahon ngayon madali nang gumawa ng website, salamat sa WordPress at sa kung anumang CMS (content management system) at sa murang web hosting, at madali na ring gumawa ng page sa Facebook. Mas madali na ngayong magpaskil ng kahit anong impormasyon sa Internet kahit sino, kahit grade 5 makakagawa na ng magandang website o social media account. Dahil dito punong-puno ng basura ang Internet. I-tsek ang bawat post kung galing ito sa isang mapapagkatiwalaang source, o kung meron itong mapapagkatiwalaang source para suportahan ang anumang impormasyong nakapaskil doon. Miski Wikipedia (libre din itong maa-access kahit walang load) merong source para maberipika ang anumang nakasulat doon. Kung walang backup sa kanilang mga claim, move on ka na lang.
  3. Mag-ingat sa mga istoryang ni-recycle. Maraming nabibiktima dito, yung mga artikulo at lalu na mga larawan na pinapaskil at pinapalabas na kagaganap pa lamang ang mga ito, ngunit sa katotohanan ay dati pa pala ito naipaskil. Suriin ang mga petsa sa mga artikulo, at tignan din kung may kaparehas itong materyales.
  4. Kung ang nais mo ay katotohanan, iwasan yung mga tahasang may kinikilingan. Bagaman hindi masama kung magpaskil ng isang komento na sumusuporta sa isang panig, ang masama nito ay kung ang mga ideyang ito ay gagawing “unbiased fact” o “buong katotohanan”. Kung meron kang pinapanigann, huwag mong ipalagay na ang mga komentaryo sa paborito mong source ay sumasalamin sa tunay na katotohanan.
  5. I-Google mo. Kaya merong Google ang Internet, at isa itong blessing sa ating lahat. Kung nagdududa ka sa isang artikulo lalu na kung wala itong source (at miski kung meron man), i-verify ito. Suriin kung yung mga facts na nakasulat dito ay makikita din sa ibang *mapapagkatiwalaang* mga source. Tignan din kung may sumasalungat sa mga fact na ito. Sa pamamagitan nito maaari kang magdesisyon kung tunay nga itong ‘fact’ or gawa-gawa lang.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *