Commentaries

Enrisi

Enrisi. Isang bagong salitang Soyeryano na pumapatungkol sa kaghamanan ng mga negosyo dito sa Pilipinas lalu na sa larangan ng real-estate. Nangangahulugang “pagkamkam sa lupa” lalu na kung sapilitan at/o inaagrabyado ang mga mahihirap para sa kanilang sariling kapakanan.

Sa panahon ngayon nagsulputang parang mga kabute ang mga condominium at mall. Lahat ng mga lumang pabrika, warehouse, at bawat metro kwadrado ng mga bakanteng lote ginagawang mall at condominium. Miski yung mga alam nang nasa faultline. Ilang palengke at commercial establishment na pang masa rin ang pinagiba para tayuan ng mga mall nila. Yung ilan sa mga iyon, pinagkasunduan na tatayuan ng parke yung lupang pinagkaloob sa kanila, pero tinayuan pala ng mall at condominium. Ang isa pa, yung tipong matrapik na nga yung kalsadang iyon, tatayuan pa ng mall.

Tapos gigiit nila na makakalikha ng maraming trabaho ang mga mall at condo nila kapag natapos? Dun sa kanilang mapanupil na 5-buwang endo? Na walang benepisyo?  Ginagago nila ang mga tao.

Ang kinagagalit ko pa ngayon ay ang pagkamkam ng isa sa mga pinakamalaking real estate companies sa bansa, na nagpapatakbo din ng mga chain ng mga mall sa Pilipinas, ay balak kunin ang lahat ng mga cove sa Cavite upang tayuan nila ng kanilang mga magagara nilang mga real estate projects – mga condominium at mga resort kamo.

Halimbawa na lang, dito sa Barangay Patungan sa Maragondon, Cavite, kung saan nabubuhay ang karamihan sa mga residente sa pangingisda, kinamkam pala ng gahamang negosyanteng iyon ang malaking bahagi ng lupa doon at marami na ring mga kabahayan ang pinagiba; at ang isa pa sa aking nalaman ay yung paaralan ay balak ding ipagiba para tayuan ng mga proyekto nila.

Tinatakot pa daw ng mga armadong mga personnel ang mga residente gamit ang kanilang mahahabang mga baril.

Nagbigay nga ng salapi para sa pagpapalipat sa mas malayong lugar pero masyadong mahal ang amortization para sa mga residenteng lilipat; kasabay noon na malayo pa sa kinagisnang kabuhayan nila ang lilipatan nila.

At take note, hindi lang yung Patungan Cove ang gustong kamkamin ng gahamang negosyanteng ito, kundi pati na rin ang bawat cove na nasa baybayin ng Cavite.

Nakakagalit talaga. Hindi lang mga mahihirap ang inaagrabyado nila, kundi pati kalikasan gusto nilang salaulain. Eh yung mga babala nga ng mga geologist sa mga proyekto nilang malapit sa fault line hindi nila ginagalang.

Mabuti pa, huwag na nating tangkilikin ang mga mall, bangko at lahat ng kanilang mga proyekto. Nakapanggigigil talaga itong mga development na ito.

Ganito na ba talaga sa Pilipinas, pera-perahan na lang? Pati pagsasahimpapawid sa telebisyon pera-perahan na lang, kaya walang palabas pambata ultimo anime sa hapon, lahat puro teleserye, at kung may anime tinatabas nila ng sobra sobra. Sa komunikasyon, napakamahal ng internet na super bagal kung hindi parating nagloloko at palpak pa ang customer service. Ang mga bus na nakakadisgrasya at nakakapatay na ng maraming tao hanggang ngayon nagbibiyahe pa rin. Ang mga ospital miski ilang pampubliko walang pakialam sa mga dukhang naghihingalo hangga’t walang pera.

Pera-perahan. Perapinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *