Commentaries

May Halaga Pa Ba Ang Ating Kalayaan Ngayon?

Ngayong Sabado ay ang ika-tatlumpu’t isang anibersaryo ng People Power Revolution, o EDSA, o dili kaya’y rebelyon o riot sa EDSA kung talagang kinamumuhian niyo ito. Sa mga panahong ito nagtapos ang mahigit dalawampu’t taon ng pamumuno ng diktador na si Ferdinand E. Marcos, na siyang namuno ng may kamay na bakal sa Pilipinas at sinasabing naglustay ng bilyun-bilyon mula sa kaban ng bayan.

Nagsimula ang lahat noong papasok ang dekada 70, noong pangalawang termino ni Marcos bilang Pangulo ng bansa. (Hanggang ngayon tanging si Marcos lang ang tanging naka-dalawang termino na pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.) Nag-umpisang naghirap ang bansa, nagkaroon ng kaguluhan, at sa kasagsagan ng Cold War, o ang tensyon at pataasan ng wiwi sa pagitan ng demokratikong mga bansa na pinamumunuan ng Estados Unidos at ng mga komunistang bansa sa pamumuno ng Soviet Union o Russia, ay nagbabadya ang komunismo sa Pilipinas. Noong Setyembre 21, 1972, nilagay ni Marcos ang buong Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar. Marami ang kinulong, hindi lang mga komunista, kundi maging mga pinaghihinalaang komunista at mga kilalang personalidad sa oposisyon. Ang mga pribadong media ay pinasara, at ang mga kumpanyang pribado ay kinuha ng pamahalaan.

Sinasabi na ang Batas Militar ni Marcos ay mahalaga, kung hindi dahil sa kaniya ay naging komunista na sana tayong bansa, tulad ng naganap sa mga kapitbahay na Vietnam, Cambodia at Laos noong dekada ding iyon. Marahil, oo. Marahil din napatino at napa-disiplinado ang dating magulong bansa. Marami ang sumusunod sa batas, miski pagpila sa jeep naging maayos ang madla. Maaga na ring umuuwi ang mga tao, dahil sa pinatupad na curfew. Ang ganda, di ba?

Ngunit ang lingid sa mga milenyal natin ngayon, marami ang inaresto at dinukot. Maswerte kung nakita pa ang mga bangkay nila na mistulang nilapa ng halimaw: ang iba ay may tadtad ng saksak sa dibdib, ang iba ay tinaggal ang utak sa ulo at sinilid doon ang kanilang brief. Pero marami rin ang hindi na nakita. Ang isa sa mga kilalang mga desaparecido, o yung mga nawala na lang, ay ang dating tauhan ni Marcos, si Primitivo Mijares. Kumalas si Mijares, pumunta sa Amerika, at nagsulat ng aklat (na ngayon ay kalalabas lamang yung pangalawang edisyon sa tulong ng kaniyang apo at pamilya) na tumatalakay sa mga anomalya sa rehimeng Marcos. Matapos ang ilang panahong pananatili sa Estados Unidos ay umuwi siya sa Pilipinas at hindi na nakita pa. Ang kaniyang anak na si Boyet, binatilyo pa lang at high school student, ay nagtangkang hanapin ang kaniyang nawawalang ama. Tatlong araw ang lumipas, nakita na lamang ang kaniyang katawan, tadtad ang saksak sa dibdib, luwa mata, kinalikot ang ari.

Marahil mauunawaan natin, kaya ganun na lamang ang sinapit ng mag-ama ay nagtaksil kasi ang nakakatandang Mijares kay Marcos. Siguro nga, oo. Pero paano yung mga napagkamalan lamang na komunista? Yung mga wala talagang interes sa pulitika at mas piniling manahimik, pero pinaghahanap ng pulis dahil may kaibigan palang komunista? Yung nakitaan sa larawan ng magkakaibigan kung saan ang isa sa kanila ay komunista pala? Maraming ganiyan. Kung gusto mong ilaglag ang kaibigan mong komunista, wala ding katiyakan kung makakalabas ka pa ng presinto ng buhay. Miski ang mga charitable institution na tumutulong sa nayon ay pinaghihinalaang mga komunista, ang iba sa kanila ay hinuli at pinatay na lamang.

Ang sabi ng marami, mabait talaga at may malasakit si Marcos. Pero ang kaniyang mga heneral ay ang tunay na salbahe. Minsan kong naisip, kung tunay na mabait si Marcos at alam niya ang bawat kilos at galaw ng kapulisan at sundalo, bakit wala man siyang nagawa sa mga kabila’t kanang mga pang-aabuso sa mga tagapatupad ng batas? Kung ito man ay dahil sa kagagawan ng kaniyang mga kalaban sa pulitika, ano pa ang silbi ng Batas Militar kung hindi pala tuluyang natahimik ang bansa?

Pero marami namang napagawa ang mag-asawang Marcos. Kasama na dito ang Heart Center, Lung Center, Kidney Center, Cultural Center of the Philippines at iba pa. Naipaayos din nila ang NLEX at SLEX. Sila din ang nagsimula sa pagpapatayo ng LRT. Miski ang San Juanico Bridge na nagdudugtong sa Samar at Leyte, sa administrasyon din nila ito ginawa. Oo, marami pa ring mga Pilipino ang nakikinabang dito hanggang ngayon. Ang Nazi ni Adolf Hitler din naman, maraming ginawa sa Germany na ineenjoy ng mga German hanggang ngayon. Di natin kelangang tanawan sila ng utang na loob, tungkulin nila iyon bilang namumuno. Hindi kayang tumbasan ng ilang LRT at Heart Center ang mga buhay – lalu na mga inosenteng buhay – na nasayang at nawala noong panahon ng Batas Militar.

Kung hindi dahil sa EDSA Revolution o EDSA riot, kung anuman ang gusto mong itawag doon, hindi mo matatamasa ang kalayaang tinatamasa mo ngayon. Hindi mo mamumura si Benigno Aquino noong pangulo pa siya at tawaging abnormal na walang pag-aalala na baka damputin ka ng Metrocom. Hindi mo din malalaman ang mga katarantaduhan ng pamahalaan, kung paano nila nilustay ang pondo ng bayan, kung paano nila sinayang yung Yolanda Funds ng ibang bansa. Yung tinatawag mong biased na media ngayon, sila din ang dahilan kung bakit bumagsak ang Liberal Party. Panu kasi nilantad nila sa mga balita nila ang kapalpakan ng administrasyon. Hindi ka din makakabasa ng mga balita na pinapaniwalaan mo ngayon, ke tunay o hindi.

Pasalamat ka ngayon, may malaya tayong media. Noon, sinasala ang mga balita. Ang lahat ng mga balitang makakasira sa rehimeng Marcos, tinatanggal, sine-censor. Hindi lang yung libing ni Ninoy Aquino ang tinangka nilang i-censor. Miski yung aksidente sa Manila Film Center na minamadaling ipatapos ni Imelda Marcos para makahabol sa Manila Film Festival, sinubukan din nilang i-cover-up.

Pasalamat ka ngayon, kung naka-survive ka ng mga panahon bago nauso ang Tokhang, dahil hindi ka basta-basta kakatukin ng pulis ng walang warrant. Hindi ka dadamputin ng pulis dahil sa pinost mo sa Internet na laban sa pamhalaan. Malaking tulong nga ng Internet kung bakit bumagsak ang Liberal Party sa halalan, imaginin mo na lang kung ipa-block ni Marcos ang Facebook sa Pilipinas para hindi makakumpanya doon ang kaniyang mga kalaban.

Kung naniniwala kang nadaya si Marcos kay Lening Lugaw, wala iyan sa kalingkingan noong mga eleksyon noong dekada 70 hanggang 80, miski yung Snap Election noong 1986. Wala din iyan sa kalingkingan ng Hello Garci scandal ni Arroyo noong 2004, noon dapat ay nanalo si Fernando Poe Jr. Malawakan ang dayaan, ballot-switching at mga pananakot. Hina-harass, tinatakot at minsan pinapatay ang mga kilalang oposisyon. Ni wala ngang assurance kung mananalo ang paborito mong pulitiko sa oposisyon.

Sa mga nagsisisi na nag-rally kayo sa EDSA noong 1986 at hindi nakamit ang pagbabagong iyong pinapangarap, nasubukan niyo na bang pag-aralan kung bakit? Oo, nasa posisyon pa rin ang mga magnanakaw, mga tulisan, mga oligarkiya, mga absuado. Napagtanto ba niyo kung sino ang iyong mga binoto sa halalan? Ang artistang si Lito Lapid? O si Bong Revilla? O ang boksingero na naging pastor at TV host na si Manny Pacquiao? Yung binoto mo si Trillanes at si Honasan dahil nabilib ka sa kanilang kudeta? Yung alam mo ngang convicted plunderer si Joseph Estrada siya pa rin ang hinalal mo bilang Pangulo ng Pilipinas at alkalde ng Maynila? Yung si Nancy Binay dahil anak siya ng alkalde ng Makati na si Jejomar Binay? Hindi na mahalaga kung ano ang pinag-aralan o achievement nila, ang mahalaga mga sikat sila. Yung alam mo na ngang ginagago na tayo lahat lahat sila pa rin ang binoto mo. At magtataka ka kung bakit bulok ang Pilipinas ngayon? Kung bakit bulok ang pamahalaan ngayon?

Hindi nabigo ang EDSA sa kaniyang pangunahing layunin, ang palayain ang bansang ito mula sa kamay ng isang mapanupil na diktador. Yun nga lang, malayo pa ang kailangang lakbayin para sa bansang ito. Nasa atin ang simula. Gawin natin ito. Lahat tayo ay kabahagi. Ipagtanggol natin ang ating demokrasya laban sa mga gusto pang mang-agaw nito mula sa atin. Gamitin natin ang ating kapangyarihan upang magtapos ang pamumuno ng mga oligarkiya sa bansa.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *