Commentaries

Nabigo Ba Talaga Ang EDSA?

Marami ang nagsasabi na katarantaduhan lang ang naganap na EDSA People Power – o EDSA riot daw sa kanila – tatlumpu’t isang taon na ang nakakalipas. Paano naman kasi, hanggang ngayon, ang mga oligarkiya pa rin ang naghahari, kasama na dito ang patuloy na kahirapan, pambubusabos, kriminalidad, at korupsyon sa pamahalaan.

Marami ang nagsisisi diumano na nakilahok sila sa EDSA noong 1986, kung saan binuwis nila ang kanilang buhay kung bakasakaling magdesisyon na ang rehimeng Marcos na lusubin at durugin ang daan-daang libong mga tao na nagbabantay sa magkatapat na Kampo Crame at Kampo Aguinaldo. Anila, wala naman bago, at katunayan daw ay mas lalo pa daw naghirap ang Pilipinas matapos ang pangyayaring ito.

Una sa lahat, hindi naman talaga planado itong EDSA na ito. Nag-umpisa ito sa nabuking na kudeta ni Juan Ponce Enrile at ni Fidel Ramos, at noong ipapahuli na sila ni Marcos ay nagkulong sila sa Kampo Crame at nakiusap kay Cardinal Sin na himukin ang mga tao upang sila ay damayan at bantayan. Naglalagablab pa rin ang isyu ng malawakang dayaan sa katatapos lamang na Snap Election, kung saan nanalo daw si Marcos laban kay Corazon Aquino.

Ang tangi lamang na layunin ng rebolusyong ito ay upang maalis na sa puwesto si Marcos, na noon ay nahihirapan na sa kaniyang sakit na lupus, sa pag-asang ibabalik ng biyudang si Corazon Aquino ang demokrasyang inalis ni Marcos noong 1972.

Bakit si Aquino? Alam ko marami nang galit sa mga Aquino ngayon, dahil sa masyado nilang pamumulitika noong Pangulo si Noynoy Aquino, anak ni Cory, at sa patong-patong na kapalpkan at anomalya na kinaharap niya at ng Partido Liberal, tulad ng kapalpakan sa hostage crisis sa Luneta, Mamasapano, Hacienda Luisita, paglustay sa donasyon sa bagyong Yolanda, at iba pa. Ito daw ang isa sa dahilan kung bakit dapat ialis na daw ang EDSA sa isip ng mga tao. Isama pa ang kabila’t kanang mga historical revisionism sa Facebook, ang pagkamuhi sa mga Aquino ay natambalan pa ng bulag na pagmamahal kay Marcos.

Ngunit bakit nga si Aquino? Ang tanong, kung Aquino vs Marcos ba ang EDSA Revolution? Parang sinabi niyo na rin na tungkol kay Stark vs Lannister ang Game of Thrones. Hindi lang si Ninoy Aquino ang namatay sa ilalim ng rehimeng Marcos. Marami ding mga indibidwal – kasama na doon ang mga estudyante, pari, madre at maging mga walang kamuwang-muwang na teenager – ang pinahirapan, ginahasa, pinatay at ang iba ay hindi na makita miski bangkay. Bago pa napatay si Aquino sa paliparan na ngayon ay nakapangalan sa kaniya, marami na ang namatay sa pakikipaglaban sa demokrasya. Kilala mo ba si Boyet Mijares? Yung anak ng media czar ni Marcos na tumiwalag at nagsulat ng aklat laban sa dating amo. Ang kaniyang kasalanan? Anak lang siya ni Primitivo Mijares.

Sa kasamaang palad, ginamit ng ilang mga pulitiko ng husto ang diwa ng EDSA para sa kanilang sariling kapakanan. Binahiran nila ng kanilang kulay ang diwa ng EDSA. Mga walang pinagkaiba sa mga bansang komunista na pinagdiriwang ang araw ng kanilang rebolusyon. Ayan, dahil sa kanilang kalokohan marami ang diring-diri sa People Power Revolution. Oo nga, si Cory Aquino ang naging kalaban ni Marcos noong 1986, pero bakit siya? Sapagka’t noong araw na iyon siya lang ang nakikitang unifying force laban kay Marcos. Kumbaga, walang ibang magandang choice ang taong bayan. Ang ibang mga kabataan na may prinsipyo at may magandang layunin para sa bayan at sana ngayon ay nasa Senado at Kongreso, ayun inubos na lahat ni Marcos.

Nataon lang si Cory ang naging malakas na manok laban kay Marcos. Kung ibang tao iyan o ibang partido, baka. Masyado kasing pinulitika ang EDSA lalu na sa mga panahong ito. Kaya ayun, ang apoy ng diwa ng EDSA ay umaandap-andap na at anumang sandali ay mawawalan na ito ng ningas.

Tayo din naman ay may pagkukulang. Nakalaya na tayo sa panggigipit sa halalan. Ngunit anong ginawa natin? Pinaglaruan lang natin ang sagradong boto. Binoto ang isang tao hindi dahil may kakayahang mamuno sa bayan at may prinsipyo, kundi dahil isa siyang sikat. Mga artista, boksingero, mga inexperienced na anak ng politiko, mga pastor, miski mga coup plotter at mga ex-convict. Kung hindi namatay si Cory Aquino at therefore hindi tumakbo si Noynoy, malamang manalo si Erap bilang Pangulo ng Pilipinas. Yun ay sa kabila ng pagiging convicted plunderer ni Erap. Tapos magrereklamo bulok ang sistema ng pamahalaan, bulok ang pamahalan? Yung hindi rin tayo sumusunod sa mga simpleng batas na dapat ay sa ikaaayos nating lahat?

Hindi nabigo ang EDSA. Hindi nabigo ang mga taongbayan na humarap sa tangke at armadong sundalo noong 1986 upang ipaglaban ang kalayaan ng bansa. Sa katunayan, nakamit ng EDSA ang pangunahin nitong layunin, ang patalsikin ang diktador, ang ibalik ang nawalang kalayaan at demokrasya sa bansa. Tayong mga Pilipino ang bumigo sa EDSA. Ngunit sana hindi pa huli ang lahat, upang maituwid ang dapat ituwid. At huwag natin pangarapin na sa ating buhay ay ibalik pa ang mapait na karanasan ng Batas Militar sa Pilipinas.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *